Mga mambabatas nabahala sa CHR report na hirap makahanap ng trabaho ang Pandemic graduates
Nababahala ang mga mambabatas sa ulat ng Commission on Human Rights (CHR) na nahihirapang makahanap ng trabaho ang mga bagong graduate dahil sa kawalan ng sapat na skills o kasanayan.
Kaya sa Senado, nais ni Senadora Grace Poe na repasuhin ang educational system ng bansa mula sa K-to-12 program hanggang sa higher at technical education.
Sinabi ni Poe na dapat pag-aralang mabuti ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) kung tugma ba ang mga kursong iniaalok sa mga eskuwelahan sa pangangailangan ng mga negosyo.
Marami aniya sa mga kursong iniaalok ngayon ang walang sapat na laboratoryo na magtuturo sana sa mga kabataan sa kanilang kapabilidad.
Ayon sa mambabatas, dapat repasuhin ang 10 taon nang K-to-12 program para malaman kung nakatulong ito sa mga kabataan o may kakulangan pa.
Sa Kamara de Representante, nanawagan si Congressman Fidel Nograles, chairman ng House Committee on Labor and Employment, na kumilos ang pamahalaan para agapan ang problema ng Pandemic graduates.
“While expected, (the CHR report) is troubling, and we in government should actively work to address the gaps that have been identified,” pahayag ni Nograles.
Sa report ng CHR hirap makahanap ng trabaho ang mga fresh graduates dahil sa kakulangan ng soft skills at practical job skills dahil sa matagal na online classes dulot ng ipinatupad na lockdown sa kasagsagan ng COVID-19 Pandemic.
Lumabas din sa report na nakararanas ng culture shock ang mga fresh graduate kapag nasa workplace dahil ang kanilang expectations ay kakaiba sa natutunan nila sa online classes.
“Kailangan nating malaman kung ano ang mga pagkukulang, at ano ang maaaring gawin para mapunan ang mga ito,” dagdag pa ng kongresista.
Kaya ang apela ni Nograles sa mga employer, bigyan ng period of work adjustment ang Pandemic graduates para makapagtrabaho.
Nanawagan din siyang bumuo ng programa ang gobyerno para mapunan ang skills gaps kabilang ang areas of communication, teamwork at critical thinking.
Meanne Corvera/Vic Somintac