Mga manggagawa hinimok ng DTI na bumalik na sa kanilang mga trabaho ngayong nasa Alert Level 1 ang Metro Manila
Ngayong nasa ilalaim na ng Alert Level 1 ang Metro, hinimok ng national government ang mga manggagawa na bumalik na sa kanilang mga trabaho, para muling sumigla ang ekonomiya.
Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, na ang hakbang ay magiging daan para makagalaw na ang micro, small, and medium enterprises sa workplaces para makabawi sa aspetong pinansiyal.
Ang mga MSME ang buhay ng ekonomiya ng Pilipinas, na bumubuo sa 62.66% ng kabuuang trabaho sa bansa. Ang malaking bilang nila ay nasa National Capital Region.
Sinabi ni Lopez na hihikayatin nila ang mas maraming “on-site presence.” Kung dati ay hinihikayat nila ang trabaho mula sa bahay, ngayon ay mas hinihimok nila ang pisikal na presensiya ng mga manggagawa. Nangangahulugan ito na mas maraming tao ang papasok sa kanilang mga opisina, na magpapasigla sa paggugol dahil mas maraming pagkakataon na gumastos sa pagpunta sa trabaho at pag-uwi.
Ayon kay Lopez . . . “Businesses around the area will be supported. Many SMEs will be assisted by this, those who do their businesses near offices. There were few workers going to work in offices before. Is working from home still permitted? It is still allowed, but it’s optional. It’s not encouraged now that we’re moving to Alert Level 1 and we want to stimulate more economic activities…Before we’d have to choose which is essential and non-essential, but now, everything is open.”
Aniya, hindi na kakailanganin sa mga tanggapan ang isolation areas, at aalisin na rin ang physical barriers at paper-based contact tracing.
Dagdag pa ng opisyal, palalakasin din ang muling pagbangon ng turismo sa pamamagitan ng pag-aalis sa quarantine requirements para sa international travel kasama ng domestic travel requirements.
Sa ilalim ng Alert Level 1, lahat ng mga establisimyento, mga tao, o mga aktibidad ay pinapayagan nang mag-operate, magtrabaho, o magkaroon ng isang full on-site o venue capacity, basta’t patuloy na susundin ang Minimum Public Health Standards.
Subali’t sinabi ni Lopez, na hindi na kailangan ang physical distancing sa mga establisimyento, kabilang na sa mga restaurant at personal care outlets, para makapag-resume na sila ng 100% capacity.
Samantala, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na ibabalik na rin sa 100% capacity ang pampublikong transportasyon.