COVID- 19 kabilang na sa compensable illness – DOLE
Maaari ng makatanggap ng kompensasyon ang mga manggagawang nagpositibo sa COVID 19.
Ito ang inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos aprubahan ng Employee’s Compensation Commission ang resolusyon hinggil rito.
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, nakasaad na kasama na ang COVID 19 sa mga itinuturing na compensable illness.
Kabilang sa mga inilatag na kondisyon ng ECC ay dapat na suportado ng diagnostic proof gaya ng RT PCR test result ang pag claim ng kompensasyon.
Tinukoy rin sa resolusyon ang risk ng trabaho ng isang manggagawa gaya ng mga healthcare worker, mga miyembro ng screening at contact tracing team at iba pang kahalintulad nito.
Kasama rin sa inilatag na kondisyon ng ECC ay dapat na ang trabaho ng isang manggagawa ay nangangailangan ng face to face o may close interaction sa tao.
Kabilang rin sa kondisyon sa pagclaim ay dapat nakuha ang virus sa lugar ng paggawa o habang nagko-commute papasok o pauwi sa trabaho.
Ayon kay Bello, 30 libong piso ang maaaring makuhang kompensasyon ng isang manggagawa na nagkasakit dahil sa COVID 19.
Kung kailangan naman aniya ng karagdagang suporta ng isang manggagawa gaya ng para sa operasyon dahil sa epekto ng COVID 19 ay nariyan naman aniya ang Philhealth para tumulong.
Madz Moratillo