Mga manloloko sa Bulgaria, gumamit ng pekeng Stallone passport bilang ad
SOFIA, Bulgaria (Agence France-Presse) – Ginamit ng isang Bulgarian criminal gang ang pekeng pasaporte na nakapangalan sa Hollywood actor na si Sylvester Stallone, para sa advertisement ng kanilang counterfeiting services sa mga potensyal na kliyente.
Ayon sa pahayag ng prosecutors, apat na miembro ng naturang gang ang kinasuhan kaugnay ng counterfeiting-related crimes, kasama ng dalawa pang lalaki na sinampahan naman ng ibang kaso.
Naniniwala ang mga prosecutor, na ang pekeng pasaporte ay ipinapakita sa mga customer bilang katunayan ng mataas na kalidad ng kanilang trabaho sa pamemeke ng mga dokumento.
Ang pasaporte na nakapangalan kay Stallone, na nagpapakita sa Bulgarian nationality nito, ay natagpuan sa isinagawang search sa bahay ng isa sa mga miembro ng gang sa Plovdiv city.
Ang search ay bahagi ng police operation na isinagawa ng mga agents mula sa US Secret Service sa tulong ng Europol, sa ilang rehiyon sa Bulgaria.
Bukod sa Stallone passport at iba pang pekeng Bulgarian identity documents at drivers’ licences, libu-libong high-quality counterfeit 100-euro at 50-dollar bills ang nasamsam din ng mga awtoridad.
Liza Flores