Mga may-ari ng MT Princess Empress, posibleng maharap sa siyam na kaso dahil sa oil spill
Pinag-aaralan na ng DOJ ang mga posibleng kaso laban sa mga may-ari ng lumubog na MT Princess Empress na pinagmulan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, siyam na kaso ang maaaring kaharapin ng ship owners bunsod ng pinsala sa karagatan, kalikasan, at kapaligiran na idinulot ng tumagas ng langis mula sa tanker.
Anim rito ay kasong kriminal at ang tatlo ay kasong sibil.
Kabilang dito ang mga paglabag sa Oil Pollution Compensation Act, Marine Pollution Decree, Clean Water Act, at Philippine Fisheries Code.
Sinabi pa ni Clavano na kasama sa iniimbestigahan ang posibleng sabwatan sa pagitan ng ilang tauhan ng gobyerno at ng ship owners matapos na makapaglayag ang tanker kahit walang kinauukulang permits.
Partikular sa inaalam ang pananagutan ay ang sa Philippine Coast Guard at MARINA.
Moira Encina