Mga Mayor at Barangay Captain, parurusahan ni Pangulong Duterte kapag may sumuway sa COVID-19 quarantine protocol
Papanagutin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Mayor at Kapitan ng Barangay kapag may mga naging pasaway at hindi sumunod sa mga quarantine protocols na ipinatutupad ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ayon sa Pangulo inatasan niya ang Department of Interior and Local Government o DILG na kasuhan ang mga mayor at kapitan ng barangay dahil sa kabiguan na ipatupad ang batas.
Sinabi ng Pangulo nakikita niya sa mga balita na marami ang nahuhuli dahil sa quarantine protocol violations na dahilan kaya patuloy na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Banta ng Pangulo kung mayroon pang pistahan o sawayan sa isang lugar, kasong kriminal at administratibo ang kakaharapin ng mga kapitan ng barangay at mayor.
Naniniwala ang Pangulo na ang patuloy na pagsuway ng publiko sa quarantine protocol ang dahilan ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Vic Somintac