Mga menor de edad, arestado sa pagbebenta ng marijuana sa Sta. Ana, Maynila
Arestado ang anim na katao sa isinagawang Buybust Operation ang mga operatiba ng station 6 ng Manila Police District o MPD sa magkahiwalay na lugar sa Sta. Ana Maynila.
Unang nag-operate ang mga pulis sa Pasig line matapos makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba na may nagbebenta ng marijuana sa lugar.
Sinubukang bumili ng mga pulis ng halagang 300 pisong marijuana sa mga suspect na si Ironpaul Baquit, 18- anyos at Iris Bringas, 20 anyos,
Nang kumagat sa pain ang mga ito ay agad na inaresto ang mga suspect.
Nakuha sa dalawa ang apat na plastic sachet ng marijuana na nagkakahalaga ng 1,200 pesos.
Nahuli naman sa follow up operation sa M. Roxas, Sta. Ana ang apat pang suspect matapos silang ituro nila Bringas at Baquit.
Nakuha sa apat na suspect ang anim na sachet ng marijuana na sa kabuuan ay aabot sa 4,000 piso ang nakuhang kontrabando.
Ayon kay MPD- station 6 Police Supt. Dave Mejia, pawang mga high school students ang customer ng mga suspect.
Cellphone umano ang gamit ng mga ito sa transaksyon upang hindi mahuli ng mga otoridad.
Nakakulong na ang mga suspek sa presinto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ulat ni Paolo Macahilas