Mga menor de edad at 65 yrs old, maari nang magpabiometric para sa National ID

Maari nang lumabas para magparehistro ng kanilang National Identification ang mga Filipinong may edad na 15 hanggang 17 at Senior Citizens mula 65 pagtaas.

Ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA), pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na lumabas ang mga nasa nabanggit na age bracket kaya maaari na rin nilang tapusin ang step 2 ng kanilang National ID registration.

Bahagi ng step 2 ang biometric information at validation ng mga dokumento ng mga nag-aaplay ng National ID.

Ang mga menor de edad ay inaabisuhan na dapat may kasama ng magulang o guardian sa pagpaparehistro.

Dahil sa bahagyang pagluluwag ng quarantine restrictions, binuksan ng PSA ang mas maraming registration center para sa step 2 na nakatapos na ng online appointment booking.

Maaari ring bumisita sa kanilang official website na www.psa.gov.ph o sa kanilang Facebook page na PSAPhilSysOfficial.

Meanne Corvera

Please follow and like us: