Mga menor de edad, dapat mabakunahan na rin dahil posibleng maging carrier sila ng virus – Dr. Mata
Dapat bawiin muna ng gobyerno ang pagpayag sa paglabas ng mga menor de edad matapos mapaulat na may local cases na ng mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19.
Ito ang sinabi ni Dr. Richard Tesoro Mata, Pediatrician at online health info advocate sa panayam ng Balitalakayan.
Paliwanag ni Dr. Mata, bagamat mas malakas ang immune system ng mga bata, hindi nangangahulugang hindi na sila tatamaan ng virus.
May potensyal pa nga aniya na ang mga bata ay maging super spreader at carrier at posibleng magpakita pa ng ibang palatandaan pero patuloy ang pag-aaral ng mga eksperto tungkol dito.
Sinabi pa ni Dr. Mata na mahalaga rin kung masisimulan na ang pagbabakuna sa mga bata upang magkaroon na sila ng proteksyon hindi lamang sa Delta variant kundi sa iba pang lumalabas na variant ng Covid-19.
“Yung immune system ng mga bata ay less ang overreaction kasi yung mga namamatay sa Covid-19 ay nagkakaron ng overreaction ng immune system. Ang mga bata bagamat healthy pa ang immune system pwede pa ring pasukan ng virus pero mild lang. Hindi namamaga ang lungs nila so pwede sila asymptomatic pero ang danger doon ay pwede silang carrier, maaring makahawa sa kanilang pamilya. At ang nakakatakot pa dahil sa Delta variant ay maaaring mabago yun at magpakita pa ng ibang manifestations kaya mas mabuting advance na ang pagkilos. Dahil sa mga variants na ito ay kailangang mabakunahan na ang mga bata”.