Mga menor de edad na may comorbidities, prayoridad na mabakunahan kontra Covid-19
Nasa kabuuang 12.7 million na mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 ang target mabakunahan kontra Covid-19 sa bansa.
Pero ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, uunahin munang bakunahan ang nasa 10% ng mga bata sa susunod na 2 hanggang 3 buwan.
Ito ay upang mabantayan nila ang adverse effects ng bakuna bagamat hindi naman ito magiging malala o severe.
Kabilang aniya sa ilang posibleng side effects ng bakuna sa mga bata ay ang anaphylaxis, myocarditis, headache, body ache, at allergies.
Una nang tinukoy ng US Center for Disease Control and Prevention na ang myocarditis ay inflammation ng heart muscle.
Sisimulan aniya nila ito sa mga kabataang may underlying diseases o comorbidity at mga batang nasa mga pagamutan sa Metro Manila.
Ang National Children’s Hospital, Philippine Heart Center sa Quezon City at ang Philippine General Hospital sa Maynila ay nag-anunsyong tutulong sila sa pagbabakuna sa mga kabataan.
Sabi ni Cabotaje, matapos mabakunahan ang mga kabataang may comorbidity ay saka palalawakin ang pagbabakuna sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang Moderna at Pfizer vaccines pa lamang ang nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) para ibakuna sa mga menor de edad.