Mga militanteng grupo, pinamamadali sa DOJ ang pagpapanagot sa mga sangkot sa ‘Bloody Sunday Massacre’
Mula sa Korte Suprema ay nagmartsa patungong DOJ ang ilang militanteng grupo bilang paggunita sa unang anibersaryo ng pagpatay sa siyam na aktibista mula sa Timog Katagalugan sa tinaguriang ‘Bloody Sunday Massacre’.
Kinalampag ng iba’t ibang grupo ng mga aktibista ang DOJ para bilisan ang pagdinig at pagsasampa ng mga kaso sa mga alagad ng batas na dawit sa pagpaslang sa mga biktima.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno Chair Elmer Labog, mabagal ang gulong ng hustisya dahil sa siyam na biktima ay ang mga sangkot sa pagpaslang sa tatlo pa lang ang nahaharap sa reklamo.
Nais ng mga raliyista na makasuhan ang lahat mga pulis at militar na nasa likod ng iligal na pag-aresto at pagpatay sa mga CALABARZON activists.
Kabilang sa gusto nilang managot sa Bloody Sunday sina dating PNP Chief Debold Sinas at maging si Pangulong Duterte.
Una rito ay sinampahan ng NBI sa DOJ ng reklamong murder ang 17 pulis CALABARZON dahil sa pagpatay sa mag-asawang Ariel Evangelista at Ana Mariz Lemita- Evangelista.
Ang dalawa na mula sa Batangas ay kabilang sa mga napaslang sa madugong raid noong March 7 ng nakaraang taon.
Moira Encina