Mga miyembro ng Judicial Integrity Board, nanumpa na sa pwesto
Pormal nang nanumpa sa pwesto ang mga miyembro ng Judicial Integrity Board o JIB.
Si Chief Justice Diosdado Peralta ang nagpanumpa sa mga JIB officers na aaksyon sa mga reklamo ng katiwalian laban sa mga mahistrado, hukom, at mga kawani ng hudikatura.
Ang JIB ay binubuo nina retired Supreme Court Associate Justice at Philippine Judicial Academy Vice Chancellor Romeo Callejo, Sr. bilang Chairperson, at retired SC Associate Justice at dating MCLE Governing Board Chair Angelina Sandoval-Gutierrez bilang Vice-chair.
Magsisilbi sa JIB ng tatlong taon si Justice Callejo habang dalawang taon naman si Justice Gutierrez.
Nanumpa naman bilang mga miyembro ng JIB sina retired Court of Appeals Justice Sesinando Villon, retired Sandiganbayan Justice Rodolfo Ponferrada, at retired Court of Tax Appeals Justice Cielito Mindaro-Grulla.
Inaatasan ang mga opisyal na bumuo ng internal rules ng JIB.
Ayon sa Korte Suprema, layon ng JIB at ng Corruption Prevention and Investigation Office na palakasin ang integridad at maiwasan ang kurapsyon sa hudikatura.
Pinagtibay ng Korte Suprema noong Hulyo ang panukalang amyenda para maipatupad ang JIB at CPIO na nilikha noon pang 2018.
Moira Encina