Mga nagpakilalang miyembro ng PDP-Laban, kakasuhan ng Partido
Maghahain na rin ng kontra demanda ang PDP- Laban kontra sa mga miyembro nito na nag-aklas laban sa partido.
Kasunod ito ng desisyon ng Commission on Elections na kumikilala sa mga miyembro ng grupo ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel bilang mga lehitimong miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino, Lakas ng Bayan o PDP-Laban.
Ayon kay Pimentel na siya ring Presidente ng PDP-Laban, kasong kriminal, Disqualification at Falsification of Public Documents ang isasampa nila laban sa 28 mga kandidato ng iba’t-ibang munisipalidad at probinsya na nagpakilalang mga miyembro ng PDP-Laban.
Kasama aniya sa kakasuhan ngayong linggo sina Rogelio Bicbic Garcia, ang pasimuno ng pag-aaklas laban kay Pimentel at Willy Talag, nagpakilalang PDP Laban National Secretary General ng PDP-Laban breakaway group na kakandidato ring aklalde ng Makati.
Iginiit ni Pimentel na hindi maaaring igiit ng mga ito na miyembro sila ng PDP -Laban dahil mismong ang Comelec na ang nagdeklara na iligal ang kanilang mga Certificate of Candidacy.
Nagpapasalamat ang partido na maagang dinisisyunan ng Comelec ang isyu bago pa man makapag imprenta ng mga balota para sa eleksyon sa 2019.
Ulat ni Meanne Corvera