Mga nagpapakalat ng fake news, posibleng makulong ng limang taon
Posibleng makulong ng hanggang limang taon ang sinumang indibidwal o mga kumpanya na nagpapakalat ng maling balita o impormasyon.
Ito’y kapag naaprubahan na ang Senate Bill 1492 o Act Penalizing Malicious distribution of false news.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, may-akda ng panukala, sakop nito ang lahat ng nagpa-publish, distribution at circulation ng maling balita o impormasyon sa dyaryo, telebisyon, online media at social media.
Napapanahon na aniyang gumawa ng batas laban sa fake news dahil nagagamit ito para manakot at propaganda para siraan ang isang indibidwal kasama na ang public officials.
Sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng maling balita o impormasyon, pagmumultahin ng isandaang libo hanggang limang milyong piso at maaring makulong mula isa hanggang limang taon.
Kung ang lumabag ay isang public official, doble ang ipapataw na parusa at maaring ma-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ang sinumang mass media entity o social media platform na mabibigo o tatangging tanggalin ang mga fake newsay maari ring pagmultahin ng 10 hanggang 20 million pesos at pagkakabilanggo mula sampu hanggang dalawampung taon.
Ulat ni: Mean Corvera