Mga nahatulan sa karumal-dumal na krimen, kuwalipikado na sa GCTA
Nilagdaan na ang inamyendahang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10595 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Alinsunod sa GCTA, mababawasan ang taon ng sentensiya o makalalaya nang mas maaga ang isang bilanggo kapag nagpakita ito ng kagandahang-asal sa loob ng piitan.
Nirebisa ang panuntunan ng GCTA matapos ang ruling ng Korte Suprema ngayong taon, na nagsasabi na maaaring maging benepisyaryo sa GCTA ang mga PDL na nahatulan sa heinous crimes taliwas sa 2019 IRR ng batas.
Pumirma sa 2024 revised IRR ang mga opisyal ng Department of Justice, Bureau of Corrections,Department of Interior and Local Government, at Bureau of Jail Management and Penology.
Ayon kay Justice Undersecretary Deo Marco, dumaan sa mabusising deliberasyon at konsultasyon ang bagong IRR na alinsunod sa compassionate justice ng Administrasyong Marcos at mithiin na mapaluwag ang mga kulungan sa bansa.
Justice Undersecretary Deo Marco / doj.gov.ph
Sinabi ni Marco, “After a series of deliberations and consultation conducted by the technical working group, we are proud to prsent the 2024 revised IRR of RA 10592. This aligns with the administrations’ commitment to compassionate justice and jail decongestion.”
Magiging epektibo ito sa oras na mailathala sa major publications.
Sinabi naman ni BJMP Director Ruel Rivera, na nasa 600 hanggang 1,000 inmates sa mga pasilidad nito ang natukoy nila na kuwalipikado sa GCTA, kasunod nang pag-amyenda sa mga panuntunan ng batas
BJMP Director Ruel Rivera / bjmp.gov.ph
Ani Rivera, “Ang batas na ito ay magsisilbing inspirasyon sa personal na pag-unlad, disiplina at pagbabago buhay. Ito ay sistema na nakabatay sa paniniwalang kahit ang nagkamali ay maaaring magbago at makahanap ng landas tungo sa makabuluhang pagbabagong buhay sa lipunan.”
Una nang sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang, Jr., na posibleng 10,000 inmates sa mga kulungan nito ang makinabang sa ruling ng SC at pagrebisa sa patakaran ng batas.
Gayunman, ayon kay Catapang, magiging prayoridad ang mga matatanda at may sakit na PDLs para sa GCTA.
Tiniyak din ni Catapang na pagdating sa high-profile PDLs ay kikilatasin mabuti ang mga ito para masiguro na talagang nagbago na at talagang kuwalipikado na makalaya.
Ayon kay Catapang, “ We will have to look into this because we need to have guidelines, we need to make sure that they are really qualified to be released.”
Samantala, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez, na sa oras na mailipat na sa kustodiya ng Pilipinas si Mary Jane Veloso mula sa Indonesia ay kuwalipikado ito sa GCTA gaya ng ibang bilanggo.
Justice Undersecretary Raul Vasquez / doj.gov.ph
Si Veloso aniya ay ipipiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Sabi ni Vasquez, “Ayon sa usapan since sya ay ililpat sa kustodiya sa atin, kaya lahat ng pribilehiyo, lahat ng karapatan ng isang PDL sa ating mga piitan ay gayun din ang ibibigay sa kaniya. Obviously, kung may GCTA, lahat kung ano meron puwede magamit.”
Moira Encina-Cruz