Mga nahuling akusado sa missing sabungero case, tikom ang bibig sa nalalaman
Humarap sa DOJ ang ilang opisyal ng PNP- CIDG CALABARZON na nakaaresto sa anim na akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Inamin ni CIDG Regional Field Unit 4A Regional Chief PCol. Jacinto Malinao Jr. na hindi nagsasalita ang mga akusado ukol sa kanilang nalalaman sa ibang missing sabungero case at kung sino ang utak ng mga krimen.
Pero umaasa pa rin sila na sa kanilang daily interview sessions ay makakuha sila ng impormasyon mula sa anim.
Pangunahin naman sa mga napag-usapan sa pagtungo ng mga pulis sa DOJ ay ang mga pabuya na ibibigay sa mga asset ng CIDG na nakapagturo ng kinaroroonan ng mga akusado.
Una nang inanunsiyo ng kagawaran ang P6 milyong pabuya sa mga makakahuli sa missing sabungero suspects.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na ipaaral niya sa law department ng DOJ kung maaari bigyan din ng reward ang mismong mga tauhan ng CIDG na nakahuli sa mga suspek.
Ayon naman kay Malinao, entitled sa pabuya ang civilian informants dahil malaki ang tulong ng mga ito sa operasyon.
Iginiit ni Malinao na normal na trabaho lang ng mga pulis ang kanilang ginawang surveillance sa mga akusado.
Wala namang nakikitang problema ang opisyal sa ibibigay na commendation ng DOJ sa Palasyo para sa mga CIDG personnel.
Moira Encina