Mga nais mag-enroll kahit nagsimula na ang klase, tatanggapin pa rin – DepEd
Maaari pa ring mag-enroll sa mga pampublikong paaralan kahit tapos na ang offcial enrollment period (June 1 – July 15), dahil patuloy na tatanggap ng late enrollees ang Department of Education (DepEd).
Sinabi ni DepEd Usec. Tonisito Umali, na kung ang enrollee ay papasok sa kaparehong paaralan at sila ay grade 2 papuntang grade 3, grade 8 papuntang grade 9, ay kailangan lang magparehistro.
Ang mga magulang ay pupunta sa paaralan para alamin kung may online option para sa registration, at kung wala naman ay mayroon lamang silang form na sasagutan at wala nang karagdagang dokumentong kailangan, dahil dati naman na silang nakarehistro sa paaralang iyon.
Ngunit kung ang mag-e-enroll aniya ay incoming kinder, incoming grade one, incoming grade 7 o junior high school, incoming grade 11 , dating out of school at hindi na pumapasok na muling bumalik sa paaralan at mga transferree, kailangan nilang magbigay ng karagdagang dokumento gaya ng report card para sila mairehistro. Minsan ay hinihingi rin ang birth certificate laluna sa mga dating out-of-school youth para malaman ang tunay nilang edad.
Ayon kay Umali, hindi naman ito kailangang ibigay agad upon enrollment, bibigyan ang mga magulang o guardians ng sapat na panahon na ito ay maisumite. Ibig sabihin, tatanggapin pa rin ang late enrollees kahit wala pa silang hawak na mga nabanggit na dokumento.
Liza Flores