Mga nais tumakbong Senador sa 2022 Elections, naghain na rin ng kandidatura sa ikalawang araw ng COC filing
Naragdagan pa ang bilang ng mga nais na tumakbong Senador sa halalan sa Mayo.
Sa ikalawang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy, unang naghain ng kandidatura ang nagpakilalang founder ng KAPA Community Ministry International.
Isang Danilo Brioso ang naghain ng COC para kay Joel Pastor Apolinario na tatakbo bilang independent candidate.
Si Apolinario ay may kasong syndicated estafa dahil sa investment scam.
Bukod kay Apolinario, tatakbo ring independent candidate bilang Senador ang broadkaster na si Raffy Tulfo.
Si Tulfo ay nangunguna sa huling survey ng Pulse Asia sa mga Senatoriables na nakakuha ng 55.2 percent.
Naghain na rin ng kaniyang COC si dating Senador JV Ejercito.
Muli niya aniyang susubukan na makabalik sa Senado para sa mga isinusulong niyang reporma.
Kumandidato na siya noong 2019 Midterm elections pero umabot lang ito sa ika-13 puwesto.
Meanne Corvera