Mga nakumpiskang illegal logging equipments, ipinagagamit ni Pangulong Duterte para makumpuni at maitayo ang mga bahay na sinira ng Bagyong Odette
Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hakbang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na gamitin ang mga equipments na nakumpiska ng Department of Environment and Natural Resources o DENR mula sa mga illegal loggers tulad ng band saw machines.
Sa Talk to the People inireport ni Lorenzana kay Pangulong Duterte na may pitong band saw machines na nakumpiska ang DENR na narito sa Manila.
Ayon kay Lorenzana inaayos ito ngayon para ipahiram sa Armed Forces of the Philippines o AFP at madala sa Mindanao para gamitin sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay ng mga nasalanta ng nakalipas na bagyong Odette.
Inihayag ni Lorenzana meron ding tatlong wood saw mills ang TESDA at gagamitin din itong pamputol ng mga kahoy na kailangan sa pagtatayo ng mga bahay.
Sinabi ng Pangulo na mas mabuting gamitin ang mga nakumpiskang equipments upang pakinabangan ng mas nangangailangang mga Pilipino.
Vic Somintac