Mga nanalong partylist , wala pang kasiguruhan kung sabay sabay na maipoproklama
Wala paring kasiguruhan kung maipoproklama ng sabay sabay ng Commission on Elections ang mga nanalong Partylist group sa ginanap na halalan noong May 9.
Paliwanag ni Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, sa oras na matanggap na ng National Board of Canvassers ang certificate of canvass mula sa Lanao del Sur ay saka palang nila makikita kung pwede ng maiproklama ang mga nanalong Partylist.
Ayon sa Comelec hanggang ngayon, wala paring katiyakan kung kailan maisasagawa ang halalan sa Shanghai, China na isinailalim sa lockdown dahil sa surge ng COVID-19 cases roon.
Sa oras na maitransmit naman sa NBOC ang resulta ng ginawang special elections sa Lanao del Sur, bukas ay maipagpapatuloy na nila ang canvassing.
Mahigit 6,000 boto ang hinihintay ng Comelec mula sa 12 Barangay kung saan nagsagawa ng special elections.
Malaking bagay daw ito para malaman ang ranking ng mga nasa dulo na nasa 1 hanggang 2 libong boto lang ang diperensya.
63 congressional seat ang pinaglalabanan sa Partylist.
Batay sa canvass report ng NBOC hanggang noong May 17, kabilang sa Top 10 partylist groups ay ang ACT CIS, 1 Rider Partylist, Tingog, 4P’s, Ako Bicol, Sagip, Ang Probinsyano, Uswag Ilonggo, Tutok to Win at CIBAC.
Madelyn Villar- Moratillo