Mga napauwing OFWs ngayong Covid-19 Pandemic, mahigit na sa 223,000
Mahigit na sa 223,000 Overseas Filipino workers (OFW) ang napauwi na ng Pilipinas mula nang magsimula ang Covid-19 outbreak.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa kabuuang 223, 294 na ang mga napapauwing Pinoy matapos maragdag ang nasa 9,352 pang overseas Filipino na napauwi noong nakalipas na linggo.
Mula sa nasabing bilang, 8,444 ay mula sa Middle East, 512 mula sa Asia and the Pacific, 394 sa Europe at dalawa mula sa Estados Unidos.
Ang mga Pinoy ay isinakay sa mahgiit 30 special commercial repatriation flights at dalawang chartered flights mula Jeddah at Riyadh sa Saudi Arabia lulan ang nasa mahigit 600 overseas Filipino kabilang ang limang OFW na may chronic medical condition.
Sa tulong din ng Philippine Embassy sa Tripoli, 92 OFWs ang napauwi na ng bansa mula Benghazi, Libya na kauna-unahang repatriation sa Benghazi simula noong 2017.
Samantala, nasa 40 Filipinong mangingisda ang mula North Sulawesi sa Indonesia ang naiuwi sa General Santos city sakay ng BRP Tubbataha.
Ito ay sa pakikipagtlungan ng Philippine Consulate General sa Manado, Philippine Embassy sa Jakarta at Consular Office sa General Santos City .
Ito rin ang kauna-unahang repatriation efforts sa karagatan mula Indonesia ngayong Pandemya.
Mula sa kabuuang bilang ng mga repatriates, 73,870 rito o 33.08 percent ang Sea-based habang nasa 149,424 o 66.92% ang land-based.
Umapila naman ang DFA sa mga kababayan nating nananatiling stranded sa ibang bansa na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na maiuwi sila sa bansa.