Mga nasawi dahil sa West Nile outbreak sa Spain, umakyat na sa apat
Umakyat na sa apat ang bilang nasawi dahil sa outbreak ng West Nile virus sa timugang bahagi ng Spain.
Ayon sa health department ng regional government ng Andalusia, ang pinakahuling biktima ng virus ay isang 87-anyos na babae na na-ospital matapos dapuan ng sakit, sa bayan ng Puerto Real sa lalawigan ng Cadiz.
Tatlong iba pang matatanda ang nasawi sa sakit sa kalapit na lalawigan ng Seville, kung saan nagsimula ang outbreak sa unang bahagi ng taong ito sa mga bayan ng Coria del Rio at La Puebla del Rio, na kapwa malapit sa Guadalquivir marshes.
Sampung iba pa ang nasa mga pagamutan sa dalawang nabanggit na lalawigan, kabilang ang apat na nasa intensive care units.
Ang West Nile virus ay sintomas na gaya ng sa trangkaso, subalit sa malalang kaso ay maaari itong magdulot ng panginginig, lagnat, coma at nakamamatay na pamamaga ng brain tissue o encephalitis. Maaari rin itong magbunga ng meningitis.
Unang nadiskubre noong 1937, ang virus ay dala ng mga ibon at naikakalat sa tao ng mga lamok. Katutubo ito sa Africa, Asia, Europe at Australia.
Kaugnay nito, nag-spray na ang regional government ng Andalusia ng pesticides sa ilang wetland areas para patayin ang mga lamok, at mapababa ang panganib ng West Nile virus transmission, at hinimok ang mga mamamayan na gumamit ng kulambo at maglagay ng screen sa kanilang mga tahanan.
Agence France-Presse