Mga naturukan ng anti-COVID vaccines sa CALABARZON, higit 5-M na
Lagpas na sa 5 milyong katao ang nakatanggap ng una at ikalawang dose ng bakuna laban sa COVID-19 sa CALABARZON.
Sa pinakahuling tala ng COVID-19 Vaccination Data Management Unit ng DOH CALABARZON, kabuuang 5,021,044 ang nabakunahan mula sa A1 hanggang A5 priority population sa rehiyon.
Mula sa nasabing bilang, mahigit 1.92 milyon ang fully-vaccinated na katumbas ng 17% ng target population na 11.45 milyong katao.
Nasa 3.09 milyon naman ang partially vaccinated individuals laban sa COVID sa Region IV-A.
Sa ngayon ay umaabot na sa halos 6.44 milyong bakuna kontra COVID-19 ang natatanggap ng CALABARZON.
Isinasagawa ang pagbabakuna sa 572 active vaccination sites sa rehiyon.
Moira Encina