Mga negosyante umaasa na hindi na itataas ang COVID alert levels at ‘di na magla-lockdown sa bansa
Kung ang business community sa bansa ang tatanungin, hindi na kailangan na itaas ang COVID- 19 alert levels at magpatupad muli ng lockdown sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng muling pagdami ng mga nahahawahan ng virus sa bansa.
Batay sa mga pinakahuling datos ng DOH, may “sharp increase” ng COVID simula kalagitnaan ng Mayo.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon, gaya sa mga nakaraan ay dapat ipaubaya sa mga lokal na pamahalaan kung saan may mga surge ang pagpapasiya.
Naniniwala rin si Barcelon na dapat matuto ang mga tao na mamuhay na may COVID sa paligid.
Tiwala rin si Barcelon na hindi na lalala ang kaso ng COVID ngayong Marcos Administration para ito magpatupad ng lockdown.
Hindi naman komporme ang PCCI na gawing mandatory ang booster vaccination dahil sapat na ang primary doses ng COVID vaccines batay na rin sa DOH.
Binigyang-diin pa ng business group sa mga dayuhan na bukas at handa na para sa negosyo at investments ang Pilipinas.
Inihayag pa ni Ferdinand Ferrer, chair ng 48TH Philippine Business Conference & Expo na sabik ang mga dayuhang investors sa economic agenda ng Marcos government.
Magandang oportunidad rin aniya ito para sa gobyerno at pribadong sektor na ipakitang magkatuwang ito sa paglalatag ng mga polisiya at programa sa ekonomiya.
Kaugnay nito, magsusumite ang PCCI kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga rekomendasyon nito para mapasigla pa ang ekonomiya.
Pangunahin sa mga isinusulong ng grupo sa bagong administrasyon ay ang digitalization ng mga government services.
Sa pagtaya ng PCCI, lalago sa 6% hanggang 6.5% ang GDP ng bansa sa second half ng taon.
Posible rin daw ang 8% na paglago ng ekonomiya kung magbabalik na ang face-to-face classes.
Gayunman, batid ng mga negosyante ang mga banta at risks sa growth momentum ng ekonomiya tulad ng paghina ng halaga ng piso kontra dolyar at giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Moira Encina