Mga opisyal ng BOC na tumanggap ng suhol kay Mark Taguba itinanggi ang akusasyon, BOC Director Milo Maestrecampo magbibitiw sa pwesto

Pumalag ang mga opisyal ng Bureau of Customs na itinuro ng broker na si Mark Taguba at itinangging tumatanggap sila ng suhol.

Iginiit ni  BOC Import and Assessment Service Dir. Milo Maestrecampo na hindi niya kilala si Taguba at kailanman ay hindi siya tumanggap ng anuman mula rito.

Wala rin siyang inatasan para tumanggap ng anuman mula kay Taguba o anumang iligal na aktibidad sa BOC para sa kanya.

Kasabay nito, sinabi ni Maestrecampo na pagbalik sa BOC ay magbibitiw siya sa pwesto at isa-submit ang sarili sa anumang imbestigasyon kaugnay sa sinasabing suhulan.

Binigyang diin ng opisyal na maaring isa siyang dating rebelde pero hindi siya magnanakaw at wala siyang ibang tinatanggap maliban sa kanyang sweldo.

Ganito rin ang himutok ni Teddy Sagaral – OIC ng CIIS sa MICP, na sa 44 na taon niya sa serbisyo ay ngayon lang siya naakusahan kaugnay sa pagtanggap ng suhol.

Tatlong buwan lang niyang nakita si Taguba at ito ay nang magsimula na silang mag imbestiga sa mga nadiskubreng 605 kilo ng shabu.

Si BOC Dep. Comm for Intel. Atty. Teddy Raval at MICP district collector Atty. Vincent Maronilla  naman iginiit na hindi nya kilala si Taguba at wala siyang natanggap na anuman mula rito.

Itinanggi rin ni CIIS Dir. Neil Estrella ang akusasyon ni Taguba kasabay ng pagpapahayag ng pagkadismaya na sa kanilang pagnanais na maimbestigahan ang mga nadiskubreng iligal na droga ay ganito pa ang nangyari sa kanila.

Aminado naman si Taguba na hindi niya talaga personal na nakausap ang mga nasabing opisyal at hindi rin siya personal na nagbigay rito dahil mayron aniyang kumokontak sa kanya upang kumolekta ng pera para sa mga ito.

Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *