Mga opisyal ng Bucor, nagisa sa pagmamadali sa paglagda sa release order ng mga bilanggo
Ipinagpapatuloy ngayon ng Senado ang imbestigasyon sa kontrobersyal na pagpapalaya sa mga bilanggo na nahatulan dahil sa heinous crime sa New Bilibid Prison sa pamamagitan ng GCTA Law.
Pero no show sa pagdinig ang sinibak na Director ng Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon.
Nagisa ang mga opisyal ng Bucor dahil sa pagmamadali na malagdaan ang mga memorandum of release ng mga bilanggong nahatulan sa heinous crime batay sa GCTA law.
Tinukoy ni Senador Ping Lacson ang memorandum of release nina Aznar, pawang mga nahatulan sa panghahalay at pagpatay sa magkapatid na Chiong sa Cebu city kasama ang 44 na iba pa.
Sa impormasyon ni Lacson, tapos na ang office hours pero inihabol pa rin ang paglagda at pagpapalaya sa mga ito noong August 16.
Kwestyonable aniya na hindi makapaghintay ang mga opisyal samantalang inaayos ang computations ng kanilang GCTA.
Inamin naman Bucor Directorate for Reformation director Maria Fe Marquez nilang kaanak ng mga convicted criminals ang nagpunta sa bahay nya para madaliin ang release order.
Depensa ng opisyal, wala umano silang nagawa kundi pirmahan ito dahil nasa sablayan noon si USEC Nicanor Faeldon at nangangambang makasuhan ng arbitrary detention.
Sa ngayon hinimok ni Guevarra ang mga napalayang bilanggo na kusa na lamang sumuko sa halip na habulin ng batas.
Maari aniya silang magtungo sa lahat ng police stations at mga military detachment saan mang panig ng bansa.
Naniniwala si dating Solicitor General Estelito Mendoza na hindi maaring basta na lamang baliin o paikliin ang sentensya ng mga bilanggo na nahatulan ng life imprisonment dahil lamang sa GCTA law.
Isa sa tinukoy nito ang kaso ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na nahatulan ng siyam na counts ng Reclusion Perpetua.
Sa kasalukuyang batas ang bawat Reclusion Perpetua ay binibilang aniya ng 30 years.
Pero dahil siyam na beses, nangangahulugan na 270 years na dapat makulong si Sanchez.
Sabi ni Mendoza hindi ito maaring mapaikli sa pamamagitan ng GCTA.
Ulat ni Meanne Corvera