Mga ahensya na nasa ilalim ng DA, nasermunan ng mga Senador sa maling implementasyon ng Batas
Sinermunan ng mga Senador ang mga opisyal ng Department of Agriculture sa kabiguang maipatupad ang mga batas na makatutulong sa mga magsasaka.
Sa pagdinig ng Committee on Agriculture, kinastigo ni Senador Cynthia Villar ang mga opisyal ng Bureau of Soils and Water Management sa kabiguang ipatupad ang pamimigay ng composting facility para magkaroon ng organic fertilizer ang mga magsasaka.
May isang bilyong piso aniya ang ahensya sa ilalim ng 2022 National budget pero hanggang ngayon hindi pa nagagastos.
Tanong ng Senador mas gusto raw ba ng Bureau of Soils and Water Management na bumili ng fertilizer para makakuha ng kickback?
Matatapos na aniya ang taon pero ang pondo hindi pa nagagastos at nangangambang mailipat lang sa Philippine International Trading Corporation, (PITC).
Sagot ng ahensya wala pa raw silang nakukuhang supplier.
Pati mga opisyal ng Philippine Coconut Authority nakastigo rin.
18 buwan kasi matapos maipasa ang coco levy fund hindi pa naipamamahagi ang pondo sa coconut farmers.
Limang bilyong piso ang pondo nito kada taon para sa mga magsasaka kasama na ang pondo sa production ng hybrid coconut.
Pero sa halip daw na libreng ipamahagi ang coconut seeds ipinagbibili ito at dinadala naman sa Indonesia.
Banta niya kung hindi magbibitiw ang mga opisyal ay kakasuhan niya ang mga ito.
Meanne Corvera