Mga opisyal ng DOLE at Immigration, pinakakasuhan ng oposisyon dahil sa pagpapapasok ng mga illegal foreign workers
Hinimok ng oposisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin at pakasuhan ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) na responsable sa pagpapapasok ng mahigit 400,000 mga Chinese at iba pang illegal foreign workers sa bansa.
Umaapila rin si Liberal Party President at Senador Francis Pangilinan na ipadeport ang mga illegal aliens alang-alang sa libo libong mga Pinoy na walang trabaho.
Kinastigo ng Senador ang mga opisyal ng DOLE at BI dahil sa tila pagpapaalipin sa China sa pamamagitan ng malayang pagpasok at pagbibigay ng working visa gayong maraming pinoy ang nagututom at walang trabaho.
Nauna nang nabunyag sa pagdinig ng Senado na halos dumoble pa ang Chinese population sa Pilipinas na umaabot na sa mahigit 4oo,000kung saan 150,000 dito ay nagtatrabaho sa entertainment city sa Parañaque city.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na dapat maging maingat ang gobyerno sa pagresolba sa isyu alang alang sa kapakanan ng may 300,000 mga Pinoy workers sa China.
Pero sagot ni Pangilinan, dapat magpakita ng tapang at hindi takot ang gobyerno lalo na sa pagharap sa kaso ng mga dayuhan.
Ulat ni Meanne Corvera