Mga opisyal ng isang ospital sa Pasig City, inireklamo ng NBI sa DOJ dahil sa umano’y pekeng claims sa PhilHealth
Ipinagharap ng mga reklamo sa DOJ ng NBI ang mga opisyal ng Tricity Medical Center sa Pasig City dahil sa sinasabing pekeng claims sa PhilHealth.
Pangunahin sa inireklamo ang hospital director at isa sa mga board member ng pagamutan na si Dr. Enrico Cruz.
Sinampahan din ng mga reklamo ang mga doktor sa Tricity na sina Gjay Lalu Ordinal, Froilan Antonio De Leon, at Lourdes Rhoda Reyes.
Gayundin, ang nurse sa ospital na si Cherry Cataclan Flores, PhilHealth staff ng Tricity na si Arlene Joy Sebuc, at hospital clerk na si Svend Agodilos Rances.
Mga reklamong estafa at paglabag sa National Health Insurance ang inihain ng NBI laban sa pitong respondents.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang kawanihan matapos ang intelligence information na natanggap ng NBI- Anti Graft Division noong Enero 2020 ukol sa umano’y fraudulent claims ng Tricity sa PhilHealth para sa hemodialysis patients.
Umabot ng mahigit isang taon ang imbestigasyon ng NBI sa isyu.
Nabatid na non-existent o kaya ay namatay na ang mga pasyente sa panahon ng sinasabing hemodialysis treatment.
Nadiskubre ng NBI na hindi bababa sa 318 fraudulent claims na nagkakahalaga ng Php 824,200 ang inihain ng Tricity.
Ito ay batay sa recorded dates ng hemodialysis treatment matapos ang pagkamatay ng mga pasyente.
Sinabi ng NBI na mataas ang posibilidad na mas malaki pa ang pekeng claims ng pagamutan batay sa 2016 to 2019 Philhealth Database na kinabibilangan ng mga nasabing pasyente.
Moira Encina