Mga opisyal ng militar nakastigo sa pagdinig ng Senado sa planong pagregulate sa paggamit ng Social Media sa ilalim ng Anti- Terror law
Nakastigo ng mga Senador ang mga opisyal ng militar sa pagdinig ng Commission on Appointments sa isyu ng pagregulate sa paggamit ng social media sa ilalim ng Anti Terror Law.
Sa pagsalang sa CA, kinuwestyon ni Senate minority leader Franklin Drilon si Major General Antonio Parlade kung ano ang ibig sabihin ng pahayag ni AFP Chief of Staff Lt. General Gilbert Gapay na ire-regulate ang paggamit ng social media sa binubuong Implementing Rules and Regulations ng Anti-Terror law dahil nagagamit raw ito ng mga terorista.
Babala ni Drilon, iligal at unconstituional ang nais mangyari ng Sandatahang Lakas.
Paalala naman ni Senador Panfilo Lacson wala ito sa kanilang binalangkas at hindi ito ang intensyon ng batas.
Depensa naman ng Sandatahang Lakas, pinag-aaralan pa lang ito ng Armed Forces dahil nagagamit ang social media sa terorismo.
Katunayan, sinabi ni Lt. General Antonio Parlade na may mga minomonitor na silang grupo na nagtuturo kung paano ang paggawa ng Molotov bomb, saan makabibili ng mga materyales at mga grupong nagre-recruit ng mga kabataan para umanib sa mga armadong grupo at labanan ang gobyerno.
Ulat ni Meanne Corvera