Mga opisyal ng MV Happy Hiro, kinasuhan ng PCG
Kinasuhan na ng Philippine Coast Guard ang mga opisyal ng Marshall Islands flagged na MV Happy Hiro na sangkot sa banggaan sa isang pinoy fishing vessel sa Agutaya, Palawan.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, kabilang sa mga isinampang reklamo sa Antique Prosecutors Office ay Reckless imprudence resulting in multiple homicide; multiple injuries; at damage to properties.
Kabilang sa mga kinasuhan ay ang kapitan ng MV Happy Hiro, at ang mga sumusunod:
1) Master: Meshay Amir – Croatian
2) Second Mate: Antonie, Bogdan George – Romanian
3) Officer: Maquiling, Tyrone Albina – Filipino
4) Officer: Amante, Mckinley Panuncialman – Filipino
Ayon kay Abu, sa joint investigation ng PCG at Maritime Industry Authority nakitaan ng mga ebidensya sa katawan ng barko na bumangga talaga ito.
Kaugnay nito, tinapos na rin ng PCG ang search and rescue operation sa 7 nawawalang mangingisda at nagshift na sila sa search and retrieval operations.
Hindi inaalis ng PCG ang posibilidad na naiwan sa loob ng fishing vessel ang 7 nawawalang mangingisda.
Sa kwento kasi ng mga survivor, may mga kasama silang natutulog ng mangyari ang insidente.
Bukod dyan, 500 square nautical miles na rin ang nasuyod ng PCG pero hindi nakita ang mga ito.
Bukod naman sa kasong isinampa sa MV Happy Hiro, pinagmulta rin ng PCG ng P 60,000 ang may-ari ng lumubog na fishing vessel na FV JOT-18.
Umalis kasi ito sa pantalan ng walang clearance mula sa Coast Guard at bigong makatugon sa Master Declaration of Safe Departure.
Matatandaang nakaangkla ang bangkang pangisda ng nasiraan sila at dumating naman ang MV Happy Hiro at mabangga sila.
Madelyn Villar – Moratillo