Mga opisyal ng PDEA at NBI nasermunan sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng pagkakapuslit ng shabu sa BOC
Nasermunan ang mga opisyal ng Phil. Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng pagkakapuslit ng mahigit animanraang kilo ng shabu sa Bureau of Customs.
Lumabas kasi sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na hindi pa rin nasisira ang mahigit walongdaang kilo ng shabu na nakumpiska ng mga otoridad noon pang Disyembre.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, nakasaad sa batas na dapat sa loob ng pitumput dalawang oras ay nasunog na o sinira na ang mga droga bilang ebidensya.
Kinuwestyon rin ni Senador Richard Gordon kung bakit hindi agad sinunog o sinira ang shabu gayong na-inspeksyon na pala ito ni Judge Jovencio Gascon ng San Juan RTC.
Katunayan, sa halip na sunugin, kinuha pa ng NBI ang 250 kilo ng shabu habang ang limandaang iba pa ay napunta sa PDEA.
Nakasaad sa batas na dapat matapos ang ocular inspection ng hukom dapat na ipag-utos sa PDEA na sirain o sunugin ang shabu upang hindi na ma-recycle pa ng mga tiwaling tauhan o opisyal pero hanggang ngayon ay nasa kustodiya pa ng PDEA at NBI.
Depensa naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre naiparating na nila kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang naging hakbang ng hukom nasi Gascon.
Sa ngayon, pinag-aaralan na ng Senado na ipatawag ang huwes sa pagdinig bukas.
Ulat ni: Mean Corvera