Mga Organizer ng Community Pantries, Titiyakin ang kaligtasan at seguridad – QC govt.
Tiniyak ng quezon city Government ang seguridad at kaligtasan ng mga organizer ng Community Pantry.
Kasunod ito ng pangyayari na naganap kay Ms Ana Patricia Non at iba pang indibidwal na may katulad na hangaring makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte na buo ang suporta ng lokal na pamahalaan ng QC sa community pantries.
Ayon sa alkalde, ipinakikita ng mga ganitong pagkilos ang diwa ng bayanihan na likas na sa mga taga QC.
Kaya nais niyang tiyakin sa mga organizer at benepisaryo ng community pantries na sila ay ligtas at hindi pipigilan.
Ayon pa kay Belmonte, Ilang araw nang tumutulong ang Task Force Disiplina at mga lider sa barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Maginhawa Community Pantry.
Aniya, naroroon lang sila upang paalalahanan ang publiko kaugnay ng pagsunod sa minimum health standards at tumulong sa crowd control.
Bukod dito, sinabi rin ni Belmonte na inatasan na rin ang Task Force Disiplina na gawin ang kahalintulad na pagkilos sa iba pang community pantries sa lungsod sakaling kailanganin ng barangay ang dagdag na tulong.
Umapela naman ang alkalde kay QCPD District Director Brigadier General Antonio Yarra na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa pangamba at mga nakalipas na karanasan ni Ms. Non.
Makikipagpulong din aniya siya kay Station 9 Commander Police LtCol, Imelda Reyes, na siyang nakakasakop sa Maginhawa, upang talakayin ang pangamba ni Ms. Non ukol sa kanyang seguridad.
Panawagan ni Belmonte —sa panahon ng kagipitan na nararanasan, hayaang manaig ang kabutihan at diwa ng pagbibigayan at pagtutulungan.
Belle Surara