Mga ospital sa bansa, nananatiling puno kahit pa bumababa na ang mga kaso ng Covid-19 – PCP
Nagpahayag ng pagkabahala ang grupo ng mga manggagamot sa bansa kasunod ng paglalagay sa Metro Manila sa Alert Level 3 o mas maluwag na restriction.
Sinabi ni Philippine College of Physicians (PCP) President Dr. Maricar Limpin na bagamat hindi na tulad ng dati ay nananatiling punuan ang ICU (intensive care unit) at emergency wards ng mga ospital sa bansa at hindi pa rin makahinga ang mga health worker.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng Covid-19.
Nangangamba aniya sila na ang naging pagluluwag sa NCR ay maaaring maging dahilan na naman ng pagsirit ng mga kaso ng virus infection.
Inihalimbawa ni Limpin ang mga nakalipas na pangyayari na kada magluluwag ay nakalilimot ang ilan nating kababayan na tumalima sa health protocol.
Maliban sa punuan ang mga pagamutan, sinabi ni Limpin na nananatiling kulang pa rin sila sa manpower dahil marami sa mga health worker ay nagtutungo sa ibang bansa para maghanapbuhay at makakita ng magandang opurtunidad.
Sa kabila nito, nanawagan si Limpin sa publiko na gawin ang kanilang bahagi na mag-ingat at sumunod sa minimum health standard bilang tulong na rin sa kanilang mga health worker na hanggang ngayon ay nagsasakripisyo.