Mga ospital sa Metro Manila na pagdarausan ng pagbabakuna sa mga menor de edad kontra Covid-19, daragdagan pa
Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdaragdag ng hospital na pinagdarausan ng anti-COVID-19 vaccination para sa mga menor de edad sa Metro Manila.
Sa kanyang weekly Talk to the People sinabi ng Pangulo na mula sa dating 8 hospital ay daragdagan pa ito ng panibagong 13 hospital para mapabilis ang pagbabakuna sa mga menor de edad.
Ayon sa Pangulo natutuwa siya at naumpisahan na ang pagbabakuna sa mga menor de edad na nasa 12 hanggang 17 taong gulang.
Inihayag ng Pangulo na titiyakin ng pamahalaan na may sapat na supply ng bakuna na gagamitin sa mga kabataang populasyon ng bansa.
Magugunitang mayroon ng inisyal na 1,100 na mga menor de edad na may comorbidities ang nabigyan ng first dose ng anti COVID-19 vaccine na isinagawa sa Philippine Childrens Medical Center, National Childrens Hospital, Philippine Heart Center, Philippine General Hospital, Cardinal Santos Medical Center, Makati Medical Center, St. Lukes Medical Center at Fe del Mundo Medical Center.
Vic Somintac