Mga overseas Filipinos na planong umuwi ng bansa, pinaalalahanan ng DFA na maingat na ikonsidera ito dahil sa umiiral na travel restrictions
Hinimok ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang overseas Filipinos na may planong bumiyahe sa Pilipinas, na maingat itong ikonsidera dahil sa umiiral na travel restrictions.
Sa paghikayat sa kanila na ipagpaliban muna ang kanilang byahe hanggang sa alisin na ang restrictions sa January 15, 2021, binanggit ng DFA na limitado lamang kasi ang quarantine facilities.
Lahat ng dumarating sa bansa ay requred na sumailalim sa quarantine sa nabanggit na mga pasilidad, hanggang sa lumabas ang resulta ng kanilang swab tests.
Lahat naman ng Filipinos na magmumula sa United Kingdom at sa 19 na iba pang mga bansa kung saan napaulat na mayroong mas nakahahawang strain ng COVID-19, ay required na sumailalim sa istriktong 14 na araw na quarantine sa isang Department of Health-approved quarantine facility, negatibo man ang maging resulta ng kanilang swab tests.
Sa kabilang banda, ang mga hindi naman Filipino, anuman ang dati nilang visa status, nabigyan man sila ng exemption, o may relasyon sa Filipino citizens, ay pansamantalang pinagbabawalang pumasok sa Pilipinas.
Para naman sa mga nais pa ring ituloy ang kanilang byahe, pinaalalahanan sila ng DFA, na laging i-check ang travel dates sa kanilang airlines bago ang departure o bago magpa-book ng ticket, dahil maaaring mabago anomang oras ang mga inilalathalang impormasyon.
Liza Flores