Mga Pagkaing Dapat Iwasan Para Hindi Sumakit ang Kasukasuan
Hi mga kapitbahay kumusta na? O, okay lang ba kayo? Ano po may gout kayo? Naku, tamang tama at ‘yan ang pinag-usapan namin ni Dr. Rylan Flores sa ating programa sa radyo, ang ukol sa gout! Ano nga ba ang gout? Madalas sinasabi arthritis daw ito, ‘yung pananakit ng kasukasuan.
Sa pakikipagkwentuhan natin kay Doc Rylan na isang orthopedic surgeon, ang sabi niya ang gout ay isa lang sa napakaraming posibleng dahilan kung nananakit ang mga kasukasuan.
At itong gout ang may tunay na kinalaman sa pagkain natin. Ang gout ay ang pagtaas ng uric acid sa dugo at Ito ay nalalaman kapag kinuhanan tayo ng dugo, kapag mataas ang uric acid at sumasakit ang kasukasuan then, we can say na gouty arthritis ang problema.
Si uric acid sabi ni Doc kapag tiningnan mo sa microscope, ito ‘yung mga crystal na rectangle na maliliit at kapag tumaas ang mga ito sa dugo, magkakaron ng pamamaga sa kasukasuan. At ang unang buto na tinatamaan ay ang dugtungan ng hinlalaki sa paa, yung unang joint.
Karaniwang ipinapayo kapag namaga ay magpahinga muna, uminom ng gamot, kontrolin ang diet para umimpis ang pamamaga. Minsan nakikita ang bukol-bukol sa kamao, tuhod, bukong-bukong at siko.
Tandaan na ang crystals ay nakasuot sa joints o sa mga buto, sa litid o ligaments. Alam n’yo mga kapitbahay, ang akala ko noon mga lalaki ang karaniwang tinatamaan nito, pero, mali pala ako dahil marami ding mga kababaihan ang may problema sa gouty arthritis.
So, ano ang Sabi ni Doc na hindi dapat kainin para di tumaas ang uric acid at maiwasan ang gouty arthritis? Lahat ng uri ng lamanloob, lahat ng gulay na may buto gaya ng okra, sitaw, beans, lahat ng nuts.
Unfortunately, kapag masarap ang pagkain, mas mataas ang uric acid content. Sa halip na magdelata, pilitin fresh na isda. Kahit ang karne kapag maraming nakain ay nakapagpapataas din ng uric acid. Kahit ang seafoods.
Ano na lang ang puwedeng kainin? Gulay! Madadahon at mabeberdeng gulay mas mainam. Sa sawsawan mas mainam ang suka, iwas sa gravy. Bangus, tilapia okay kaysa salmon. Okay din ang celery soup, At ang pinakamahalaga, uminom ng maraming tubig.
So, ayan mga kapitbahay, sana makatulong itong ating naging interview tungkol sa gout lalo na nga at ito ang problema ninyo.