Mga pambato ng PDP- Laban sa 2022 elections, papangalanan bukas, Setyembre 8
Tinatayang 400 miyembro ng PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Sec. Alfonso Cusi ang pisikal na magtitipun-tipon sa San Fernando, Pampanga sa Miyerkules para sa nominasyon at botohan ng mga ipanlalaban ng partido sa 2022 national elections.
Ayon kay Cusi, inaasahan na pisikal na dadalo sa convention sina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Bong Go na aniya’y main characters sa aktibidad.
Sinabi pa ni PDP-Laban acting Secretary-General Melvin Matibag na si Duterte ang inaasahang mangunguna sa pagpupulong ng partido.
Si Go ay una nang ini-nominate ni Cusi bilang standard bearer habang si Duterte ang running-mate nito sa pagka- bise presidente.
Sakali aniyang tumanggi si Go sa nominasyon ay may iba pang available na presidential aspirants ang grupo.
Tumanggi naman si Cusi na sagutin kung ikinukonsidera ng partido si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte kung hindi tanggapin ni Go ang nominasyon.
Maliban sa magiging pambato sa pangulo at bise- presidente, ihahayag din ng PDP-Laban ang kanilang senatorial slate.
Ayon kay Cusi, pawang mga miyembro lahat ito ng PDP-Laban at wala silang guest candidate mula sa ibang partido.
Idinipensa naman ni Interior Usec. Jonathan Malaya ang pisikal na pagtitipon ng partido sa kabila ng mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Tiniyak ni Malaya na hindi magiging super spreader event ang party convention dahil compliant ito sa mga health protocols na itinakda ng IATF.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit inilipat sa Pampanga na under GCQ ang venue sa halip na sa San Miguel, Bulacan na orihinal na pagsasagawaan ng convention dahil ito ay nasa ilalim ng MECQ.
Bukod sa pagprisinta ng negatibong RT-PCR test, dapat din aniyang fully-vaccinated ang mga dadalo at sasailalim din ang mga ito sa antigen testing pagdating sa venue.
Sinabi naman ni Cusi na nais din ng mga local leaders ang physical gathering para makita ang kanilang national leaders.
Itinanggi ni Cusi na ito ay show of force kundi parte ng proseso na kailangan nilang matugunan.
Moira Encina