Mga pamilya ng mga nawawalang sabungero, muling nakipagpulong sa mga opisyal ng DOJ, NBI, at PNP
Humarap muli sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Ito ay bahagi ng regular na dayalogo ng mga otoridad sa mga kaanak ng mga sabungero ukol sa itinatakbo ng imbestigasyon.
Nagkataon na ngayong araw, Enero 13 ang unang anibersaryo ng pagdukot sa anim na sabungero mula sa Tanay, Rizal.
Pinangunahan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pakikipag-pulong sa mga pamilya.
Kasama rin sa pakikipag-usap sa mga kamag-anak si Prosecutor General Benedicto Malcontento at NBI Director Medardo De Lemos.
Dalawang batch na ng mga kaso laban sa mga sangkot sa pagkawala ng ilang sabungero ang naisampa ng DOJ sa mga hukuman noong nakaraang Disyembre.
Kabilang sa mga kinasuhan sa korte ng kidnapping at serious illegal detention ang tatlong pulis at anim na sinasabing guwardiya ng Manila Arena.
Tumagal ng dalawang oras ang pakikipagusap ng mga pamilya sa mga opisyal.
Magiging regular na kada buwan ang dayalogo ng mga kaanak ng sabungero sa DOJ, PNP, at NBI ukol sa update sa kaso.
Moira Encina