Mga pangunahing kalsada at tulay sa Region 1, bukas na sa mga motorista; Siffu Bridge sa Roxas, Isabela sarado pa rin dahil sa pinsala ng bagyo
Maaari nang daanan ng lahat ng uri ng mga sasakyan ang lahat ng national roads at bridges sa Ilocos Region sa kabila ng paghagupit ng Bagyong Rosita.
Ayon sa DPWH Region 1, patuloy na naka-antabay ang kanilang Regional and District Disaster Risk Reduction Management Teams at Emergency Operation Centers.
Bilang bahagi ng Lakbay Alalay Program ng DPWH na nagsimula nitong Miyerkules, naka-deploy na rin ang maintenance staff at crew ng DPWH Region 1 para sa mga dadagsan turista sa long holiday.
Ang mga Motorist Assistance Centers ay nakapwesto sa mga strategic location sa rehiyon para umagapay sa mga maglalakbay.
Naka-prepositioned na rin ang Quick Response Teams para sa anomang insidente sa mahabang bakasyon.
Samantala, Inabisuhan ng DPWH Region 2 ang mga motorista na sarado pa rin sa trapiko ang Siffu Bridge sa Roxas, Isabela dahil sa pinsala dala ng bagyo.
Pinapayuhan ang mga motorista na paalis o patungo sa Tuguegarao City na dumaan na lamang sa Daang Maharlika.
Ulat ni Moira Encina