Mga pantalan inalerto ng PPA kaugnay sa super typhoon Mawar
Naghahanda na rin ang mga pantalan sa bansa sa posibleng maging epekto ng super typhoon Mawar o Betty pagpumasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay niyan, mahigpit na nagbilin si General Manager Jay Santiago ng Philippine Ports Authority (PPA) sa bawat Port Management Office (PMO) sa buong bansa na manatiling nakabantay sa anumang sitwasyon sa kani-kanilang lugar para sa agarang aksyon.
Kung may maistranded na pasahero, dapat maging mabilis sa pagtulong sa kanila gaya ng pagbibigay ng hot meals.
Ang Port Management Office sa Zamboanga at Palawan sinimulan na rin ang kanilang paghahanda.
Sa Zamboanga sinimulan na ang pag-aayos at pagpapatibay ng kanilang mga gusali kasabay ng pagtatanggal ng mga magaan na bagay gaya ng mga tarpaulin stand at alcohol stand habang ang PMO Palawan naman ay nagsisimula nang ilipat sa ligtas na lugar ang mga ilang kargamento na maaaring maapektuhan ng malalakas na hangin at ulan.
Paalala ng PPA sa mga pasahero palaging mag-monitor ng mga anunsiyo kung may byahe patungkol sa mga kanseladong biyahe at sa posibleng “No Sail Policy” na direktiba na ibinibigay ng Philippine Coast Guard (PCG).
Madelyn Moratillo