Mga parte na ipinagbawal ng US, pinalitan ng Huawei ng Chinese versions
Paulit-ulit na tina-target ng Washington sa mga nakalipas na taon dahil sa mga alalahanin sa cybersecurity at espionage, ang Huawei, isang nangungunang supplier ng telecom gear, smartphone at iba pang advanced equipment.
Hinadlangan ng administrasyon ni dating pangulong Donald Trump ang mga kumpanyang Amerikano na makipagnegosyo sa Huawei, habang ang kaniya namang kahalili na si Joe Biden ay nagpataw ng karagdagang sanctions kabilang ang pagbabawal sa pagbebenta ng mga bagong kagamitan ng Huawei sa Estados Unidos.
Ang mga hakbang ang pumuwersa sa kompanya na maghanap ng mga bagong paraan upang makakuha ng semiconductors at iba pang mga bahagi, kung saan sinabi ng founder na si Ren Zhengfei na pinalitan ng Huawei ng domestic versions ang higit sa 13,000 components sa nakalipas na tatlong taon, ayon sa transcript na ipinost ng Shanghai Jiao Tong University.
Sinabi pa ni Ren, na ni-redevelop din ng kompanya ang higit sa 4,000 circuit boards para sa kanilang mga produkto.
Aniya, “As of now, our circuit board (production) has stabilised, because we have a supply of domestically produced components.”
Hindi siya nagbigay ng mga detalye tungkol sa kung aling mga partikular na bahagi ang kinukuha mula sa loob ng China, o kung anong proporsyon ng kabuuang supply ng Huawei ang kinakatawan nito.
Bilang tugon sa isang tanong ay sinabi ni Ren, “There were still ‘difficulties with manufacturing advanced microchips in China,’ so we have to find other ways of making up ground (with the US) on chips.”
Dagdag pa niya, “Huawei spent $23.8 billion on research and development last year, and would invest more in the coming years as profits rise. We’re still in a difficult period, but have not stopped on the road towards progress.”
© Agence France-Presse