Mga pasaherong pauwi sa probinsya, dagsa pa rin sa PITX
Dagsa parin ang mga kababayan nating pauwi sa mga probinsya ang nagpupunta sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at iba pang bus terminal.
Ayon sa mga nakausap nating dispatcher dito sa PITX, hanggang ngayong gabi inaasahan nila ang dagsa ng mga pasahero pauwi sa mga probinsya.
Habang bukas naman ng umaga inaasahang may mangilan-ngilan parin ang hahabol ng biyahe.
Ang mga biyahe ng bus sa PITX ay mga patungong Cavite, Batangas, Quezon , Bicol at meron naring papunta ng Baguio.
Ilan sa pasahero ngayon humabol ng biyahe dahil may pasok pa sila sa trabaho.
Bunsod naman sa trapik sa North Luzon Express Way dahil sa dami ng sasakyang bumabiyahe minsan hindi maiwasang nadedelay pa ang dating ng bus pero hindi naman daw lumalagpas ng 1 oras ang ipinaghihintay ng mga pasahero.
Sa mga biyaheng Norte naman, kaunti nalang ang mga pasaherong inabutan ng Agila News Team sa terminal ng Florida Bus sa Maynila.
Kagabi daw nagpeak ang mga pasahero na nagpunta sa kanila para makauwi ng Cagayan, Isabela at Ilocos Norte at ngayong araw ay kaunti nalang ang inaasahan nilang darating na pasahero.
Sa kabila naman ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, tiniyak naman ng mga kumpanya ng bus na wala silang pagtaas ng singil sa pamasahe.
Paalala din sa mga malayo ang biyahe gaya ng papunta sa Bicol, Cagayan at Isabela huwag kalimutan ang vaccination card dahil kailangan itong ipakita sa pagbili ng ticket.
Madelyn Villar – Moratillo