Mga pasaporteng hindi kukunin sa Enero 10, na ang release schedule ay December 2020, kakanselahin at itatapon na ayon sa DFA
Lahat ng pasaporteng naka-schedule i-release bago ang December 2020, subalit hindi pa rin makukuha pagdating ng January 10, 2022 ay kakanselahin at itatapon na.
Ayon sa Department of Foreign Affairs-Office of Consular Affairs, alinsunod ito sa DFA Department Order No. 2021-012 tungkol sa Disposal of Unclaimed and Spoiled Passports.
Ayon sa departamento, yaong mga nag-aplay ng pasaporte na ang release date ay bago o sa December 2020, ay maaari na itong kunin hanggang sa January 7, 2022 (Biyernes) sa DFA Consular Office kung saan ito iprinoseso.
Samantala, ang mga aplikante na hindi makukuha ang kanilang pasaporte sa January 7, 2022 ay kailangang mag-apply ng panibago matapos kumuha ng isang certificate of unclaimed passport mula sa DFA Aseana o sa DFA Consular Office kung saan iprinoseso ang hindi nila nakuhang pasaporte.
Ang mga pasaporteng naka-schedule i-release pagkatapos ng December 2020 ay hindi apektado ng kautusan, at maaari pa ring makuha ang kanilang pasaporte mula sa DFA Consular Office kung saan iprinoseso ang kanilang passport.
Bagama’t walang penalty sa mga pasaporteng kinukuha ng lampas sa scheduled release date nito, ang publiko ay hinihimok ng DFA na kunin ang kanilang pasaporte sa loob ng 30 araw mula sa naka-schedule na release date nito.
Ayon sa DFA, maaaring magpadala ng kanilang kinatawan ang isang aplikante para kunin ang kaniyang pasaporte, basta may dalang requirements ang naturang kinatawan na makikita sa website ng departamento, gaya ng isang special power of attorney at iba pa.