Mga patay sa Austria, nakatanggap ng 500 euro ‘climate bonus’
Sa Austria, kahit mga patay ay binibigyan ng tulong ng estado para makatugon sa tumataas na mga presyo habang hinaharap ng Europe ang krisis sa enerhiya kasunod ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Sa pagsisimula ng Setyembre, ang Austria ay namahagi ng 500 euros ($500) sa bawat isang residente na nasa hustong gulang na nasa loob ng bansa sa loob ng anim na buwan nitong 2022, upang matulungan silang makaagapay sa inflation.
Sinabi ni Environment Ministry spokeswoman Martina Stemmer, na nangangahulugan ito na kahit yaong mga patay na subalit nasa database ng taxpayers ay tatanggap pa rin ng ayuda, at wala aniyang legal na paraan para bawiin ito.
Ang mga kamag-anak ng ilang Austrian na kamakailan lamang namatay, ay nasorpresa nang matanggap ang pera at malamang hindi na nila iyon kailangang ibalik, bagay na lalong nagpainit sa kontrobersiya kaugnay ng nasabing “payments.”
Ang “klimabonus” o bonus sa klima ay orihinal na inilunsad upang ipamahagi sa mga mamimili ang ilan sa mga pondong nalikom mula sa isang “carbon tax on polluters,” ngunit ang halaga ay dinagdagan upang makatulong na makaagapay sa pagtaas ng gastusin sa enerhiya kasunod ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Noong nakaraang Miyerkoles, nanawagan para sa isang reporma sa mekanismo ang liberal opposition party na Neos, kung saan tinuligsa nila ito sa pagsasabing “It’s a waste of taxpayer money which is ending up not only in the pockets of high earners but the dead as well.”
© Agence France-Presse