Mga Persons Deprived of Liberty na napalaya ngayong Covid-19 Pandemic, umabot na sa mahigit 58,000
Kabuuang 58,625 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang napalaya na ng mga hukuman mula nang magpatupad ng lockdown sa bansa dahil sa Covid-19 Pandemic.
Sa datos ng Office of the Court Administrator, nakasaad na ito ay mula noong March 17, 2020 hanggang August 14, 2020.
Pinakamarami sa mga napalaya ay mga inmates mula sa NCR na 12, 726 at sumunod ang mga mula sa mga kulungan sa Region 4 na 10,354.
Ito ay bunsod na rin ng pagpapatupad ng Korte Suprema ng video conferencing hearings sa mga otorisadong trial courts habang umiiral ang iba’t ibang uri ng Community quarantine.
Batay sa tala ng OCA, umabot na sa 47,676 ang naidaos na video conferencing hearings mula May 4, 2020 hanggang August 7, 2020 na may success rate na 85 %.
Bukod sa video conferencing hearings, iniutos ng Supreme Court na bawasan ang piyansa para sa mga mahihirap na PDLs na nililitis sa mga kasong may parusang pagkakakulong na anim na buwan at isang araw hanggang 20 taon.
Ulat ni Moira Encina