Persons with comorbidities sa Pasay City, sinimulan na ring bakunahan kontra COVID-19
Tinatayang nasa 700 katao na may comorbidities o may sakit na may edad 18 hanggang 59 na taong gulang ang tumanggap na ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19 sa Pasay City.
Ang mga persons with comorbidities ay kabilang sa Priority Group A ng mga babakunahan kasunod ng mga medical personnel at senior citizens.
Isa sa dalawang vaccinations sites sa Pasay para sa mga may comorbidities ay sa Andres Bonifacio Elementary School.
Simultaneous o sabay na binakunahan ang mga persons with comorbidities sa mga nalalabi pang health care personnel na idinaos sa Pasay West High School at sa mga senior citizens sa Timoteo Paez Elementary School.
Talagang inabangan at kinasabikan ng marami sa mga may comorbidities ang COVID vaccines para magkaroon sila ng dagdag na proteksyon laban sa virus lalo na’t dumarami ang kaso sa bansa.
Bago nagtungo sa vaccination sites ay nag-preregister muna ang mga resident online o sa kani-kanilang barangay.
Dinala rin nila ang ilang dokumento na nagpapatunay na sila ay may sakit gaya ng medical certificate, hospital records, at prescription ng maintenance na gamot.
Samantala, umabot na sa mahigit 8,000 medical frontline workers sa Pasay ang nabakunahan na kontra COVID.
Sa datos ng Pasay LGU, umakyat na sa halos 800 ang aktibong kaso ng COVID sa lungsod o katumbas ng halos 7% ng confirmed cases.
Moira Encina