Mga PES sa ilang lalawigan na walang laman ang ballot boxes noong canvassing, pinagpapaliwanag ng Comelec
Pinagpapaliwanag ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan ang Provincial Election Supervisor (PES) ng mga lalawigan na walang laman ang ballot boxes.
Sa isang pahinang urgent memorandum ni Saidamen, partikular na pinagpapaliwanag nito ang PES ng Pampanga, Sultan Kudarat, Surigao del Sur , Sulu at Cagayan, maging ang Election Officers ng Mandaluyong at Maynila.
48 oras ang ibinigay na palugit para makapagpaliwanag ang mga ito kung bakit hindi sila dapat patawan ng disciplinary action.
Matatandaang sa canvassing ng joint congress para sa Presidente at Bise-Presidente, wala ang COC sa loob ng selyadong ballot box mula sa mga nasabing lalawigan.
Sinabi naman ni Comelec Deputy Executive Director for Administration Helen Aguila Flores na ang paliwanag sa kanila ng mga PES ay hindi sinasadya ang pagkakamali dala na rin umano ng pagod at puyat.
Madz Moratillo