Mga petition for cancellation vs BBM nabasura na; desisyon ng COMELEC sa DQ cases inaantabayanan
Wala nang petisyon na layong kanselahin ang kandidatura ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang nakabinbin sa Commission on Elections.
Una rito ay ibinasura ng COMELEC ang petition for cancellation na inihain nina Christian Buenafe, Fides Lim, Ma. Edeliza Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland Vibal at Josephine Lascano.
Sa 32-pahinang ruling ng Comelec 2nd Division na pirmado ni Presiding Commissioner Socorro Inting at sinang-ayunan nina Commissioners Antonio Kho at Rey Bulay, nakasaad na wala umanong misrepresentation na ginawa si BBM sa kanyang COC.
“Unmistakably, there is no intention on the part of respondent to deceive the electorate as to his qualifications for public office,” bahagi ng nakasaad sa desisyon.
Iginiit ng mga petitioner na hindi maaring tumakbo sa public office si Marcos dahil hinatulan ito ng isang korte sa Quezon City dahil sa kabiguang maghain ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985.
Gayunman, ibinasura ng 2nd Division ang argumento sa pagsasabing hindi perpetually disqualified si Marcos na kumandidato dahil hindi naman ito gumawa ng anumang misrepresentation sa paghahain ng kanyang CoC.
Ayon pa sa Comelec 2nd Division, wala namang sinabi sa desisyon ng Court of Appeals sa Tax case ni Marcos na habang buhay na itong hindi pwedeng tumakbo sa pwesto sa gobyerno.
Sinabi pa ng poll body na wala ring crime involving moral turpitude rito.
Magkaiba rin umano ang hindi paghahain ng
income tax return sa tax evasion.
Nagpasalamat naman ang kampo ni BBM sa naging desisyon ng poll body dahil sa pag-uphold sa batas at pagpapatibay sa karapatan ng isang bonafide candidate gaya ni Marcos na tumakbo sa public office nang malayo sa harassment at diskriminasyon.
Ang kampo naman ng petitioners iaapila daw ang desisyon ng Comelec 2nd Division.
Ang isa pang petition for cancellation of COC laban kay BBM na inihain naman ng isang Tiburcio Marcos ay una naring ibinasura ng dibisyon, ayon na rin kay COMELEC Spokesperson James Jimenez.
“I think it was dismissed before New Year,” pahayag ni Jimenez sa isang online briefing.
Sa kabila nito, naka-pending pa naman ang iba pang disqualification petition laban kay Marcos sa COMELEC.
Madelyn Moratillo