Mga petitioner sa Anti- Terror law, muling hiniling sa Korte Suprema na magisyu ng TRO matapos ang pag-aresto sa isa sa mga petitioners
Muling nanawagan ang mga Anti- Terror law petitioners sa Korte Suprema na mag-isyu ng TRO laban sa pagpapatupad ng batas.
Ito ay matapos arestuhin ng pulisya ang isa sa mga petitioners sa kaso na si Chad Booc sa University of San Carlos sa Cebu City.
Kaugnay ito sa operasyon ng PNP sa retreat house sa USC kung saan sinagip ang 19 menor de edad na mula sa Manobo Tribe.
Si Booc na isang volunteer teacher sa Lumad community ay pinaratangan na recruiter ng NPA at nagsasanay sa mga batang Lumad para maging “child warriors.”
Sa kanyang manifestation sa oral arguments, inihayag ni Albay Representative Edcel Lagman na ang nasabing pangyayari ay nagpapatunay ng chilling effect ng Anti- Terror Act.
Binanggit din ni Lagman na ang mga petitioners ay seryosong binabantaan ng prosekusyon ng isang heneral ng militar na kasama sa mga tagapagpatupad ng Anti-Terror law.
Inatasan naman ni Chief Justice Diosdado Peralta ang panig ng petitioners na maghain ng pormal na mosyon at bigyan ng kopya ang Office of the Solicitor General.
May 10 araw naman ang OSG para magsumite ng kanilang komento o objection sa mosyon at pagkatapos ay reresolbahin ito ng Supreme Court.
Itinakda sa susunod na Martes, Pebrero 23 ang ika-apat na araw ng oral arguments sa mga petisyon laban Anti- Terrorism law.
Moira Encina